BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS »

Thursday, February 25, 2010

tunay na kayamanan

I
Sa putikan hinugot ang aking katawan
hinugasan ng langis ng kabutihan
pinatuyo sa init ng pagmamahalan
dinamitan ng respeto't karangalan
pinaanod sa batis ng katapatan
II
napadpad sa dalampasigan ng karapatan
nakipagbuno sa buto ng karunungan
lumaban sa mga lobo ng kagubatan
inangkin ang mga pabango ng kasalanan
kinandong ang mga kapangyarihan
III
tuluyan ng inanod sa kabuktutan
nakipaghabulan sa mga bula sa karagatan
nilipad ang mataas na kalangitan
sa papawirin lumikha ng
mga mapanlinlang na awitin
IV
sinagupa ang mga mababangis na hangin
pinabuhos ang lulang kapighatian
na siyang tumunaw sa mga puso
ng mga kaibigang pinagpasakitan
na tuluyan ng tinalikuran at kinalimutan
V
karangalan ay aking tinamasa
mga bungo sa aki'y tumingala
palasyo kong natayo ng luha't patalim
naliligiran ng mga tinik na tanim
na siyang yumuyukod sa akin
VI
ngunit kaligayahan ay naging malamlam
pagka't hardin ko'y
mukha ni kamatayan
mga kaibigan ko'y palalong hinirang
tinakpan ng maskarang nagkubli ng karuwagan
VII
ako'y nagbalik sa putikan
kung saan ako ay muling dumaan
mga paa ko'y nadumihan
nakadama ako ng ibang kaligayahan
na siyang tumunaw sa aking kalooban
VIII
mga bulaklak ng tunay na pag-ibig
sa aki'y nagsilapit
sa batis ng mga maralita
ako'y nagpunla para sa mga dukha
pinadaloy muli ang dalisay na luha
IX
mga tenga kong sinara na dati'y
di nagpadikta sa bulong ng konsensiya
ang aking tinig na tulyang napiit
dahil sa dahon ng pagmamalabis
muli kong natuklsan ang tunay na nararamdaman
X
sa basurahan ko nakita ang tunay na kinang
mga langaw na di baho ang pinagtitipunan
kundi mga taong higit na maykailangan
dito ko namulat ang mga matang natakpan
ng kinang ng ginto't kapangyarihan
XI
ngayo'y sumibol na ang pag-asa
sa aking buong kaluluwa
ang aking mga mata ay muling nakakita at nakaunawa
nang kung ano ba ang mahalaga
XII
ang aking mga salita
ay nagtanim sa mga pusong aba
ng walang kapantay na ligaya
natutong makinig at pumahid
sa bawat mga luha
XIII
mga tupang kinulong ko
ng aking mga kalupitan
pinastol ko sa burol ng katwiran
pinayabong ang damo ng karapatan
nilinis ang batis ng karunungan
XIV
di pala lahat ng kumikinang
ay tunay na kayamanan
kadalasan ang ating mga iniiwasan
dinadaan-daanan at tinatapak-tapakan
sila pala ang may hawak ng tunay na kaligayahan

0 comments: